Nagpasaringan sina Kris Aquino at kampo ni Pinoy boxing hero Manny Pacquiao kaugnay sa naging pahayag ng huli sa isang campaign ad na ginawa nito na nag-eendorso kay Nacionalista Party presidential bet Manny Villar.
Sa Twitter account ni Kris, sinabi nito na nakita niya ang campaign ad ng isang tinawag niyang “Pinoy spots icon" na nagbitiw ng salita na, “laban ng laban wala naman napatunayan."
Bagaman walang pangalang tinukoy si Pacquiao sa ad, idinepensa ni Kris ang kapatid na si Liberal Party presidential bet Sen Benigno “Noynoy" Aquiono III, na kahit minsan ay hindi pa natatalo sa halalan.
“In politics, ‘Noy has won 3 straight terms sa Congress & won almost 15 million votes sa Senatorial in 2007," nakasaad sa Twitter ni Kris. “How sad na he didn't think na in politics- knock out nga sya."
Idinagdag ng actress-host: “In politics si Noy ang may napatunayan because Noy has never lost an election! Ika nga, undefeated ang record nya!"
Matatandaan na natalo si Pacquiao sa unang sabak niya sa pulitika noong 2007 nang labanan ang nakaupong kongresista ng South Cotabato na si Darlene Antonino-Custodio.
Muling tumatakbo si Pacquiao bilang kongresista sa Saranggani sa ilalim ng partido ng NP kung saan makakaharap nito si Roy Chiongbian na galing din sa angkan ng mga pulitiko.
Sa naturang campaign ad, kasama ni Pacquiao na nag-endorso kay Villar sina comedy king Dolphy at TV host na si Willie Revillame.
Sa pagsuporta kay Villar, inihayag ni Pacquiao sa naturang ad na hanga siya sa senador sa dami ng nagawa: "Merong iba d'yan, laban ng laban sa salita pero wala pa namang nagawa."
Sa panayam sa telepono, sinabi ni Jayke Joson, chief of staff ni Pacquiao, kumpiyansa ito na mananaig ang tinaguriang “pambansang kamao" laban kay Chiongbian sa Mayo 10.
Idinagdag niya na hindi rin dapat ipagmalaki ang dami ng panalo sa halalan ng isang kandidato kung wala rin naman talaga itong nagawa para makatulong sa kapwa.
Siyam na taong naging kongresista si Aquino matapos manalo ng tatlong termino, at pangatlong taon na bilang senador para sa kanyang anim na taong termino.
“How sure is she na mana-knockout si Manny? (kay Chiongbian). Ang sinabi ni Manny sa commercial ay point na ‘di lang puwede yung laban lang nang laban dapat me nagawa sa bayan," ayon kay Joson.
Ayaw na rin umano ni Pacquiao na palakihin ang usapin tungkol sa kanila ni Kris na itinuturing pa rin umanong kaibigan ng boxing icon.
Noong nakaraang linggo, pinasaringan ni Bagumbayan presidential bet Richard Gordon si Aquino wala umanong naipasa kahit isang batas at walang karanasan para mamuno.
Idinagdag ni Gordon na mas mahusay pa si Sen Manuel “Lito" Lapid kay Aquino dahil nagawa nitong makapagpasa ng isang batas sa loob ng anim na taong pag-upo bilang senador.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment